Calendar
Palasyo: Apela para sa clemency kay Mary Jane Veloso pag-aaralan ni PBBM
INIHAYAG ng Malacañang ngayong Biyernes na pag-aaralan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apela para sa executive clemency ni Mary Jane Veloso, isang Pilipinang nakulong ng 14 na taon sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bagamat hindi pa niya makumpirma kung natanggap na ng Pangulo ang naturang petisyon, tiniyak niya sa publiko na ito ay ihaharap sa opisina ng Pangulo.
“Kung wala naman tayong malalabag na batas at ito ay ikakabuti ng ating kababayan, makakakuha naman tayo po malamang ng positibong reaksyon dito,” pahayag ni Castro.
Nagtungo sa Malacañang ang mga magulang ni Veloso kasama ang ilang civil society groups upang isumite ang petisyon para sa clemency na pirmado ng mahigit 13,000 katao na sumusuporta sa nakapiit na overseas Filipino worker (OFW).
Hinihimok ng apela si Pangulong Marcos na igawad ang clemency bago ang kanyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 28.
Si Veloso ay na-repatriate pabalik ng Pilipinas noong Disyembre matapos ang matagal na diplomatikong pagsisikap ng pamahalaan. Siya ay kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Lungsod ng Mandaluyong.
Kinilala ni Pangulong Marcos ang tuloy-tuloy na pagsusumikap ng kanyang administrasyon, gayundin ng dalawang naunang administrasyon, upang makamit ang clemency, pagpapagaan ng sentensiya, at ang pagbabalik ni Veloso sa bansa.
Ang kanyang repatriation ay naisakatuparan sa pamamagitan ng malapit na koordinasyon sa pagitan ni Pangulong Marcos at ng pamahalaan ng Indonesia sa ilalim ni Pangulong Prabowo Subianto. PCO

