DSWD Source: DSWD

Paglaban sa gutom, reporta sa agri hiling mula Senado

NAGHAIN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng 10 panukalang batas na tumutugon sa mga isyung may kinalaman sa kagutuman, seguridad sa pagkain at pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa.

Ang mga panukalang ito ay resulta ng masusing pag-aaral at konsultasyon sa iba’t-ibang sektor, ayon sa senador.

Isa sa mga tampok na panukala ang pagpapalawak ng saklaw ng Sagip Saka Act (RA 11321) na magpapahintulot sa direktang pagbili ng pamahalaan mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Inihain din ang Free Breakfast Program and Sustainable Agriculture Act na nag-aatas ng pamimigay ng libreng almusal sa lahat ng pampublikong paaralan.

Isinusulong rin ang pagbabawal sa pagpapalit ng gamit ng mga irigado at maaaring irigahing lupa para sa hindi agrikultural na layunin—isang hakbang upang mapangalagaan ang kakayahan ng bansa na lumikha ng sapat na pagkain.

May hiwalay ding mungkahi para sa pagtatatag ng Department of Fisheries and Aquatic Resources, isang bagong ahensyang tututok sa pamamahala ng pangisdaan at sa pagbibigay ng suporta sa mga mangingisda.

Iminungkahi rin ni Sen. Pangilinan ang pagtatayo ng mga bodega, rice mill, at cold storage facilities.

May mungkahi ring lumikha ng Department of Water Resources na magiging sentro sa mga usaping may kaugnayan sa tubig gaya ng irigasyon, kontrol sa pagbaha, operasyon ng dam at access sa malinis na tubig.

Naghain ng resolusyon si Pangilinan para sa imbestigasyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at batayang bilihin.

Iinihain din ang Anti-Ticket Scalping Act upang kontrolin ang muling bentahan ng mga ticket sa mga event at tiyakin ang patas na presyo para sa publiko.

Panghuli, itinutulak niya ang Confidential and Intelligence Funds Utilization and Accountability Act, na magtatakda ng malinaw na alituntunin sa paglalaan, paggamit, at pag-audit ng mga CIF ng pamahalaan.