Calendar
Ban sa pag-import ng produktong manok mula Brazil tinanggal na
INALIS na ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa importasyon ng domestic at wild birds, kasama na ang mga poultry products, mula sa Brazil.
Sa Memorandum Order No. 35 na inilabas ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., binawi ang ban sa importasyon ng poultry meat, day-old chick, itlog at semilya matapos i-report ng Brazilian veterinary authority sa World Organisation for Animal Health (WOAH) na naresolba na ang avian influenza outbreak sa Brazil.
Wala na ring napaulat na bagong kaso ng naturang sakit simula noong Hunyo 18
Ipinatupad ng DA ang ban noong Mayo 19 matapos ang outbreak sa South American nation.
Idineklara ni Tiu Laurel na libre na sa avian influenza ang Brazil batay panuntunan ng WOAH Terrestrial Animal Health Code.
Ayon pa sa kalihim, negligible na ang nakitang risk sa kontaminasyon mula sa pag-angkat ng manok at katulad na produkto mula sa Brazil batay sa ginawang pagsusuri ng Bureau of Animal Industry.
Isa ang Brazil sa pinakamalaking poultry exporters sa buong mundo.

