Calendar
10 panukalang batas na angkop sa mga pangangailangan ng PH isinulong
NAGHAIN si Senador Mark Villar ng sampung pangunahing panukalang batas para sa Ika-20 Kongreso, na nakatuon sa mga larangan ng teknolohiya, proteksyon sa mamimili, transportasyon, edukasyon, kalusugan, at kapakanang panlipunan.
Ayon kay Villar, ang mga panukalang ito ay pagsasanib ng pagpapatuloy ng mga naunang inisyatiba at pagbabago upang umangkop sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa.
“Sa susunod na Kongreso, siniguro po natin na ang mga ipinasa nating priority bills ay sasagot sa iba’t ibang problema ng bansa,” aniya.
Tatlo sa mga panukalang batas ay nakatuon sa digital transformation at consumer protection. Ang Scam Prevention Center Act ay naglalayong lumikha ng Philippine Scam Prevention Center (PSPC), na magsisilbing koordinasyon hub ng mga bangko, pribadong sektor, at mga awtoridad upang labanan ang mga scam.
Ang Enhanced Protection for Consumer Act ay tumutok sa pagpapalakas ng mga karapatan ng mamimili, kabilang ang pagpaparusa sa mga ilegal na investment scheme, pagtiyak sa tamang labeling ng mga produkto, at pagbabago ng mga luma nang probisyon ng umiiral na Consumer Act.
Samantala, isinusulong ng Use of Digital Payments Act ang ligtas at episyenteng paggamit ng digital payments sa mga transaksyon ng gobyerno at pribadong sektor, kabilang ang koleksyon ng buwis at pamamahagi ng tulong pinansyal.
Para naman sa kaligtasan ng publiko at edukasyon, isinusulong ni Villar ang Abducted or Missing Persons Alert (AMPA) Act, na magtataguyod ng isang pambansang alert system na katulad ng Amber Alert sa Estados Unidos, upang mapabilis ang paghahanap sa mga nawawalang indibidwal. Katuwang nito ang Road Safety and Comprehensive Drivers Education Act, na magpapaloob ng edukasyong pangkaligtasan sa pagmamaneho sa K-12 curriculum upang mahubog ang mga kabataang responsableng driver.
Kabilang din sa mga panukala ni Villar ang Magna Carta of Commuters, na layuning paunlarin ang sistema ng pampublikong transportasyon, lumikha ng pedestrian paths at bike lanes, at tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Sa aspeto naman ng social welfare, inihain niya ang Universal Social Pension for Senior Citizens upang makapagbigay ng pantay na pensyon sa lahat ng nakatatanda anuman ang kanilang estado sa buhay. Ang panukalang Educational Assistance to Children and Dependents of Farmers and Fisherfolk ay maglalaan ng komprehensibong suporta sa mga anak at dependent ng mga magsasaka at mangingisda, kabilang na ang mga gamit sa paaralan, matutuluyan, at pamasahe.
Sa larangan ng kalusugan, isinusulong ang Free Annual Medical Check-Up Act of 2025, na nag-aatas sa PhilHealth na magbigay ng libreng taunang check-up at palawakin ang saklaw ng diagnostic tests.
Panghuli, layunin ng panukalang batas na dagdagan ang benepisyo ng mga opisyal ng barangay, bilang tugon sa pangangailangang palakasin ang lokal na pamahalaan at sugpuin ang katiwalian.
Sa kabuuan, iginiit ni Senador Villar na ang sampung panukalang ito ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino at pagpapatatag ng mga serbisyong pampubliko sa pamamagitan ng makabagong, inklusibo, at episyenteng mga patakaran.

