Calendar
165th birthday ni Rizal ginunita
NAGTIPON ang mga pinuno ng pamahalaan, lokal na opisyal at mga tao sa Rizal Shrine sa Calamba City para sa ika-165 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Jose Rizal.
Dumalo sina Sen. JV Ejercito, Gob. Sol Aragones, Rep. Charisse Hernandez, Mayor Ross Rizal ng Calamba at mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod at Sangguniang Panlalawigan noong Biyernes.
Binigyang-diin ni Aragones ang mga katangiang dahilan upang manatiling inspirasyon si Rizal sa ng mga Pilipino.
Ayon sa gobernador, ang pagiging manggagamot ni Rizal at ang kanyang kakayahang magsalita ng iba’t-ibang wika ay patunay ng kanyang malawak na kaalaman.
“Ang pagiging matapang ay ang pagpili ng dapat na laban, paglaban sa katotohanan at kahirapan,” aniya.
Samantala, binigyang halaga ni Sen. Ejercito ang pangangalaga sa kasaysayan at ang pag-aaral sa mga sakripisyong ginawa ng mga bayani para sa bansa.
Inihayag din ng senador ang kanyang P100 milyong commitment para sa mga programang pangkalusugan ng lalawigan, kabilang ang planong pagtatayo ng Laguna mega clinic.
Inaasahang makatutulong ang proyektong ito sa pagpapalawak ng akses ng mga Lagunense sa dekalidad na tulong medikal.
Hinamon din niya ang mga mamamayan na “tindigan ang tama at tindigan ang prinsipyo.”

