Laguna

DILG test 100% nakuha ng Laguna

Gil Aman Jun 19, 2026
28 Views

STA. Cruz, Laguna–Nakamit ng Laguna ang 100 percent passing rate sa 2025 Good Financial Housekeeping ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasama ang anim na component cities at 24 apat na munisipalidad.

Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa matatag na paninindigan ng mga lokal na opisyal at kawani ng pamahalaan sa pagpapatupad ng transparency, accountability, at integridad sa lokal na pamamahala.

Ikinatuwa ni Laguna Gov. Sol Aragones ang probinsiya at binati ang mga bayan at lungsod.

Naniwala si Aragones na passing rate ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang tapat na pamamahala ng pondo ng bayan.

“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Lagunense na umaasa sa mahusay at maayos na serbisyo publiko. Patuloy nating pagtitibayin ang mabuting pamamahala tungo sa mas maunlad na Laguna,” sabi ng gobernador.

Ang Good Financial Housekeeping ay isang pagkilala sa mga local government unit (LGU) na nagpapakita ng mahusay na financial accountability at maayos na pamamahala ng pondo ng bayan.

Ipinagmamalaki ng DILG-Laguna ang pagkilalang ito na nagpapakita ng sama-samang pagsisikap ng mga lungsod at bayan sa lalawigan.