Suicide

1ST SUICIDE SABLAY, 2ND SUICIDE TAGUMPAY

Gil Aman Jan 4, 2026
298 Views

NATAGPUANG patay ang 56-anyos na binatang hinihinalang nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng malathion diumano sa loob ng kanyang kubo sa Majayjay, Laguna, umaga ng Sabado.

Base sa ulat ng pulisya ng Majayjay, nakita ang biktima ng kanyang kapatid na babae na wala nang buhay at halos hubad ang katawan sa kanyang tinitirhang kubo kung saan namumuhay itong mag-isa.

Isang bote ng lason na malathion ang natagpuan ng 58-anyos na kapatid nitong si alyas “Yolanda” malapit sa katawan ng biktima na nakaupo sa isang upuan, bandang alas-7:30 ng umaga.

Ayon pa sa salaysay ng kapatid na babae, huling nakitang buhay ang biktima noong Enero 2. Ipinaliwanag din niya na nagawa ng biktima ang magpatiwakal dati, subalit nailigtas ito nang agad maidala sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz, Laguna.

Ayon sa pulisya, una nang naikuwento ng nasawi na may tatlong kalalakihang umiikot diumano sa tinitirhan nito na nagpaputok at nagbanta na papatayin siya.

Halos 100 metro lamang aniya ang layo sa pagitan ng tinitirhan nila sa naturang barangay.

Samantala, hinihinalang ang karamdaman ang nagtulak upang kitilin ng dating seaman ang sariling buhay na umano’y nagbaril sa sarili sa kanilang garahe sa ML Quezon Street, Brgy. Kaybuto, Tanay, Rizal, noong gabi ng Sabado.

Kinilala ng Tanay Police ang biktima na si alyas “Arvin” na 49-anyos.

Ayon sa misis ng biktima, nadiskubre nito ang kanyang mister sa loob ng kanilang garahe na hawak ang isang pistol na Glock caliber .45, nakahandusay at naliligo sa sariling dugo.

Dakong alas-9:30 ng gabi nang hanapin nito ang biktima upang pakainin at ipaalala ang isasagawang fasting dahil sa nakatakda nitong medical checkup dahil sa kanyang karamdaman sa susunod na araw.

Base sa salaysay ng misis nito, posibleng ang karamdaman na hindi na nito matiis ang nagtulak upang kitilin ang sariling buhay bukod sa depresyon.

Nakatakda namang isagawa ng Provincial Forensic Unit ang technical investigation.