Koreano

2 Koreano lumagpas sa pananatili sa PH, tiklo ng BI

309 Views

INANUNSUYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng dalawang Koreanong dayuhan sa magkahiwalay na operasyon sa Clark Freeport Zone, Pampanga dahil sa paglabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas.

Kinilala ng BI ang mga dayuhang inaresto na sina alias Shin, 79, at Kim, 63, na kapwa lumampas sa itinakdang panahon ng kanilang pananatili sa bansa.

Ayon sa ulat mula sa BI Intelligence Division, unang inaresto si Shin sa kanyang tirahan sa Clark noong Oktubre 27, sa tulong ng Clark Development Corporation, Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy, at Philippine National Police Region 3.

Matapos ang unang operasyon, nagtungo ang mga operatiba sa isa pang lokasyon sa Clark kung saan inaresto si Kim sa parehong paglabag. Kapwa silang nahaharap sa paglabag sa Seksyon 37(a)(7) ng Philippine Immigration Act of 1940, na nagpaparusa sa mga dayuhang nag-ooverstay.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sumasalamin ang mga pag-aresto sa patuloy na pagpapatupad ng ahensya sa mga batas ng imigrasyon at sa mahigpit na koordinasyon nito sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang pagsunod ng mga dayuhan sa kanilang visa.

“Ang mga banyaga ay dapat sumunod at igalang ang mga kundisyon ng kanilang pananatili sa Pilipinas,” ani Viado. “Patuloy ang pagbabantay ng ating mga operatiba sa mga dayuhang nag-ooverstay at iba pang lumalabag sa batas, katuwang ang ating mga kasangga sa pagpapatupad ng batas,” dagdag niya.

Dinala ang dalawang dayuhan sa BI Main Office sa Maynila para sa dokumentasyon, at inilipat na sa pasilidad ng BI kung saan sila pansamantalang mananatili habang isinasagawa ang mga proseso para sa kanilang deportasyon.