Evidence

2 nagbebenta ng boga, arestado sa Pampanga

Bernard Galang Dec 5, 2025
253 Views

DALAWANG suspek sa ilegal na pagbebenta ng mga baril ang nahuli ng mga agents ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)habang nakatakas naman ang isa pang suspek sa Pampanga kamakailan.

Ayon kay CIDG RFU 3 chief P/Col. Grant Gollod, isinagawa ng CIDG-Angeles at CIDG Pampanga PFU ang operasyon sa Purok 5, Brgy. Pampang, Angeles City at Mexico, Pampanga, na nagresulta sa pagkakasamsam ng ilang baril, bala at marked money.

Naaresto sa operasyon ang suspek na si alyas David, 35, pero nakatakas naman ang kanyang kasamahan na nakilala sa alyas Renzo.

Nahuli ang suspek na nagbebenta ng hindi lisensyadong baril sa halagang P14,000 sa isang undercover na pulis.

Nasamsam mula sa suspek ang limang bala para sa cal .45, isang steel magazine para sa cal .45 pistol, isang cal .45 pistol at ang marked at boodle money.

Naaresto rin si alyas Lac, 33, at nakumpiska mula sa kanya ang isang 9mm pistol, isang steel magazine para sa 9mm, walong bala para sa 9mm, isang cellphone at ang marked at boodle money.

Parehong sasampahan ng kaso ang mga suspek dahil sa paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.