Nepomuceno Nagbigay ng pahayag si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno matapos ang ikalawang bidding para sa apat na natitirang sasakyang nakumpiska sa Discaya couple. JONJON C. REYES

2 pang Discaya luxury vehicles nabenta na

Jon-jon Reyes Dec 5, 2025
371 Views

DALAWA sa apat na luxury vehicles ng bilyonaryong mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang nabili na ng mga sumali sa pangalawang public auction na isinagawa ng Bureau of Customs (BOC) sa Port Area, Maynila noong Biyernes.

Kasama ang dalawang sasakyan sa pitong luxury vehicles na nauna nang isinubasta ng BOC noong nakaraang linggo.

Anim na bidder ang dumalo sa public auction kung saan ang RMCE Metal Products Trading Corp. ang winning bidder sa Toyota Tundra na may floor price na P3,473,253.97.

Nabili ito sa halagang P3,480,000.

Nanalo sa bidding si Jose Maria Esteban III na siyang nag-alok ng P6 milyon sa Toyota Sequoia na may floor price na P4,669,554.50

Wala namang nagkainteres sa Rolls Royce na may floor price na P36,281,115 kahit ibinaba na ang presyo mula sa original na mahigit P45 milyon.

Ayon sa bidder at nakabili sa Toyota Tundra, masyadong mahal ang presyo ng dalawang natirang luxury vehicles pero kung bababaan pa sa 50% posible ng may bumili sa mga ito.

Sinabi ni Atty. Chris Bendijo, Chief of Staff ng BOC, na titingnan nila kung magkakaroon ng ikatlong public bidding.

Walang plano ang BOC na sirain ang mga sasakyan dahil nais nila itong maibenta at maibalik ang pera sa gobyerno.

Umabot sa P9,510,300 ang total collection mula sa dalawang luxury vehicles na sinubasta ng BOC.