Seaferers

9 PH seafarers na nakaligtas sa atake ng Houthi rebels umuwi na

Arlene Rivera Dec 5, 2025
153 Views

NAKAUWI na ng bansa noong Huwebes ang siyam na Filipino seafarers ng MV Eternity C, ang Liberian-flagged bulk carrier na lumubog matapos atakihin ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea noong July 7, 2025.

Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Sultan Haitham bin Tariq ng Sultanate ng Oman sa pagpapalaya ng mga tripulante mula sa Sana’a, Yemen hanggang makarating sa Muscat, Oman.

Pinarangalan din ng Pangulo ang isang nasawi na tripulante ng MV Eternity C na kasama ring naihatid sa Oman mula sa Yemen.

Kasama sa flight ng mga nakauwi mula sa Oman sina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, Assistant Secretary Jerome Pampolina, at Director Augusto San Diego III.

Sinalubong sila ng mga opisyales ng DMW, DFA, OWWA, DOH, at DSWD na inatasan ng Pangulo na tumulong sa mga nauwing tripulante at kanilang mga pamilya.

Tiniyak ni Secretary Cacdac ang tulong ng DMW sa mga marino, kabilang ang financial assistance, suporta sa kanilang pamilya at pagtulong sa kanilang documentation needs matapos mawala ang kanilang mga papeles sa insidente.

Nagbigay rin ng karagdagang tulong ang OWWA, habang ang DOH ay maglalaan ng psychosocial at medical assistance pati pagsagot sa gastusin sa DOH hospitals.

Nagpaabot din ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang pag-uwi.