2 suspek na tulak nalambat sa P175K Estasy sa Angeles City

Bernard Galang Jan 19, 2026
178 Views

ANGELES CITY, Pampanga–Dalawang hinihinalang tulak ng droga ang inaresto ng mga pulis at nakuhanan ng P170,000 na halaga ng ecstasy at Kush noong Lunes sa Water Stone Villas sa Ramon Jose St., Brgy. Balibago ng lungsod na ito.

Kinilala ni Police Regional Office-3 director P/Brig. Gen. Ponce Penones Jr. ang mga nahuling suspek na sina Yell, 31; at Holy, 30.

Nasukol ang dalawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Police Station 4 katuwang ang Criminal Investigation Unit ng Angeles City Police Office.

Nakuha sa mga suspek ang 100 ecstasy na nagkakahalaga ng P170,000, mahigit tatlong gramo ng hinihinalang Kush na nagkakahalaga ng P4,950, marked money at boodle money.

Inihahanda na ng mga pulis ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).