Arestado

218 suspek sa dr*ga swak sa selda; P3.9M droga nakuha ng PRO4A

60 Views

Live1

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Swak sa kulungan ang 218 katao habang nakumpiska ang P3.94 milyon na halaga ng iligal na droga sa CALABARZON.

Ayon sa Police Regional Office 4A (PRO 4A), isinagawa ang 180 anti-illegal drug operations noong Nob. 16-22.

Nakasamsam ang mga awtoridad ng 553.02 gramo ng shabu, 167.49 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at 107.33 gramo ng kush na may value na P3,941,595.80.

Ang Cavite Police Provincial Office (CPPO) ay nakapagtala ng 68 na arestado mula sa 56 na operasyon.

Sumunod ang Laguna PPO na may 63 timbog sa 51 operasyon, at ang Rizal PPO na nakahuli ng 47 katao sa 32 operasyon.

Nakapagtala rin ang Batangas PPO ng 30 na arestado sa 29 na operasyon, habang 10 ang nasakote ng Quezon PPO mula sa 12 operasyon.

Nakakulong ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Nagbabala si PRO 4A director PBGen. Dominic Baccay na hindi titigil ang mga pulis sa pagtugis sa mga sangkot sa iligal na droga alinsunod sa PNP Focused Agenda at PRO 4A B.E.S.T. Policing Framework.