Amante Laguna 3rd district Congressman Loreto Amante

3 HB ni Amante isinusulong na mapabuti serbisyo ng gobyerno

Gil Aman Jun 3, 2026
36 Views

San Pablo City — Isinusulong ni Laguna 3rd District Representative Loreto “Amben” Amante na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino at higit pang mapahusay ang serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng tatlong mahahalagang House Bills na kanyang inihain sa Kongreso.

Ang House Bill No. 9653 ay naglalayong alisin ang Value-Added Tax (VAT) sa pangunahing konsumo ng kuryente at tubig ng mga kabahayan.

Layunin nitong mabawasan ang buwanang gastusin ng mga pamilya at magbigay ng agarang ginhawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Samantala, sa ilalim ng House Bill No. 9654, isinusulong ni Amante ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act upang mapalakas ang kaligtasan sa mga lansangan.

Nakatuon ang panukala na mabawasan ang mga aksidenteng dulot ng pagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak o ipinagbabawal na gamot.

Inihain din niya ang House Bill No. 9655, na naglalayong palakasin ang awtonomiya, kakayahang pinansyal, at institusyonal na kapasidad ng mga barangay.

Sa pamamagitan nito, mas mapabibilis at mapahuhusay ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa komunidad at mas mapapalakas ang lokal na pamamahala.

Ayon kay Amante, mahalagang maipasa ang mga panukalang ito upang direktang matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan at makapaglatag ng mga repormang may pangmatagalang benepisyo para sa bansa.

“Mula sa pagpapagaan ng gastusin ng mga pamilya, pagpapalakas ng kaligtasan sa ating mga kalsada, hanggang sa pagbibigay ng mas matibay na kakayahan sa ating mga barangay, patuloy nating isinusulong ang mga batas na may konkretong epekto sa buhay ng bawat Pilipino,” ani Amante.

Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, muling pinagtitibay ni Cong. Amante ang kanyang pangako na magsulong ng mga makabuluhang reporma para sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan at ng sambayanang Pilipino.