Calendar
Source: BI
3 inaresto sa Pampanga, hinihinalang pekeng Pilipino
INARESTO ng Bureau of Immigration ang tatlong hinihinalang pekeng Pilipino sa Pampanga.
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkaka-aresto ng tatlong hinihinalang pekeng Pilipino sa magkakahiwalay na operasyon sa Pampanga na isinagawa ng kanilang mga intelligence agents.
Ang mga pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon laban sa mga ilegal na dayuhan.
Ibinahagi ni BI Commissioner Joel Viado ang pagkaka-aresto kay Lin Yi, isang lalaking Chinese national na 35 taong gulang, noong Hulyo 31 sa isang negosyo sa Pandan Road, Angeles City, Pampanga.
Ang pag-aresto ay nag-ugat sa isang anonymous na reklamo laban kay Lin, na natuklasang nagpapatakbo ng carwash business sa lugar.
Isinumbong siya ng nagreklamo na gumagamit ng pagkakakilanlang Pilipino sa kanyang mga transaksyong pang-negosyo. Natanggap ng BI ang kopya ng kanyang late-registered na Philippine birth certificate, isang Philippine ID card, at resibo ng lisensiya sa pagmamaneho.
Natuklasan ding may hawak siyang working visa na balido hanggang 2027 sa ilalim ng kanyang Chinese identity.
Samantala, inaresto rin sa isang tirahan sa Sarmiento Street, Malabanias, Angeles City si Yan Yize, 30 taong gulang. Naaresto naman sa Barangay Panipuan, Mexico, Pampanga si Wang Jiangyi, 55.
Ayon sa mga ahensiyang pang-intelihensiya ng gobyerno, parehong gumagamit ng Philippine identity ang dalawa, at umano’y may hawak na late-registered na birth certificate, BIR TIN ID, at rehistrasyon ng negosyo sa Securities and Exchange Commission. Sila ay sinasabing konektado sa isang construction and development corporation na ginagamit umano sa mga transaksyong may kaugnayan sa pagkuha ng lupa.
Mariing kinondena ni Viado ang patuloy na paglaganap ng mga pekeng dokumentong Pilipino na ginagamit ng mga ilegal na dayuhan sa kanilang mga negosyo sa bansa.
“Ang ilegal na paggamit ng mga dokumentong Pilipino ay isang isyu ng pambansang seguridad na kailangang tugunan sa pinagmumulan nito,” ani Viado.
Ipinapaabot na ng BI ang mga ulat sa Department of Justice upang simulan ang imbestigasyon sa pinagmumulan ng mga pekeng dokumento.
Mananatili sa kustodiya ng BI ang tatlong hinihinalang pekeng Pilipino habang isinasagawa ang mga proseso ng deportasyon.

