Gambling

3 senador kinondena online gambling sa bansa

263 Views

MARIING kinondena ng tatlong senador ang patuloy na pagsirit ng online gambling sa bansa, kasabay ng babala na ang glamorosong imahe, mabilis na akses, at mahina umanong regulasyon ay nagtutulak sa mas maraming Pilipino—kabilang ang mga kabataan at mahihirap—na malugmok sa utang, krimen, at trahedyang emosyonal.

“Gambling is often depicted as glamorous, easy money, and highly profitable—this lures unsuspecting individuals, especially youth and minors,” pahayag ni Senadora Camille Villar sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement. Tinukoy niyang may mga kaso na ng pagpapatiwakal na inuugnay sa pagkakalulong sa sugal, dahilan upang igiit ang agarang paghihigpit sa umiiral na patakaran.

Ibinunyag naman ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang nakagugulat na datos: mula sa P8 bilyon noong 2022, lumobo sa P135.71 bilyon ang kita sa online gambling pagsapit ng 2024. Sa unang anim na buwan pa lamang ng 2025, pumalo na ito sa P106.53 bilyon. Aniya, lalong napadali ang pagtaya dahil sa pagsulpot ng mga digital wallet gaya ng GCash, na ginagawang “isang tap lang” ang sugal.

Ikinuwento rin niya ang ilang kaso mula sa Bukidnon, Cebu, at Benguet kung saan ang pagkakalubog sa utang sa pagsusugal ay humantong sa pagpapatiwakal, pagpatay, at armadong pagnanakaw. Ayon kay Zubiri, hindi mayayaman ang karaniwang nalululong, kundi mga simpleng manggagawa, tindera, inang walang trabaho, at estudyante.

“Ang irony ay kita ng mga bata na ‘yung cara y cruz hinuhuli, pero ‘yung online gambling at e-sabong, bukas kahit saan,” ani Senador Alan Peter Cayetano. Ipinunto niyang habang may restriksiyon sa physical na pasugalan sa mga paaralan at simbahan, madali namang makapagsugal online gamit lamang ang cellphone kahit nasa loob pa ng eskuwelahan.

Hinimok nina Cayetano, Villar, at Zubiri ang Kongreso at mga ahensiyang tagapagpatupad ng batas na magsagawa ng komprehensibong repaso sa mga umiiral na regulasyon. Anila, kung hindi agad kikilos ang pamahalaan, magpapatuloy ang pagsira ng online gambling sa buhay, kabuhayan, at pagpapahalagang Pilipino.