Suspect

3 suspek arestado sa pagnenok sa DPWH project

Christian Supnad Nov 26, 2025
429 Views

ABUCAY, Bataan — Nagbabala ang kapulisan sa pamumuno ni Major John Rey Cutab, chief of police, dito na walang puwang ang mga magnanakaw at drug pusher sa bayang ito.

Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad, iniulat ngayong Miyerkules ni Major Cutab kay Col. Marites A. Salvadora, Bataan police director, na matagumpay na naaresto ng Abucay Municipal Police Station ang tatlong indibidwal na sangkot sa pagnanakaw ng mga materyales mula sa isang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Barangay Mabatang.

Nabawi ng mga operatiba ang mga ninakaw na steel materials na pagmamay-ari ng DYNATEC Solution and Services Company.

Ang pagkadakip sa mga suspek ay bunga ng maagap na pagresponde at mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa lugar, ani Major Cutab.

Sa ngayon, ang tatlong suspek ay nasa kustodiya ng Abucay MPS para sa dokumentasyon, habang inihahanda ang kasong theft para sa inquest proceedings.

“Patuloy ang Abucay Municipal Police Station sa pagpapatupad ng mas pinalakas na anti-criminality operations upang matiyak ang kapayapaan at proteksiyon ng mga proyekto at ari-arian ng pamahalaan,”dagdag pa ni Hepe Cutab.