Dangal

344 tiklo sa ‘Oplan Bantay Dangal’ ng PRO 4A

56 Views

Dangal1Dangal2Dangal2

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Umabot sa 344 pinaghihinalaang sexual offenders ang nalambat ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) kasunod ng pinaigting na apat na linggong operasyon sa buong rehiyon ng CALABARZON sa ilalim ng “Oplan Bantay Dangal.”

Sa huling ulat na inilabas ng kampo, may karagdagang 115 suspek ang nadakip sa 122 magkakahiwalay na operasyon mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 14, 2026, base sa pinaigting na kampanya na opisyal na nagsimula noong Mayo 22.

Ayon kay PRO 4A Regional Director, PBGen Hansel M. Marantan, layunin ng operasyon na tuldukan ang karahasan at protektahan ang kapakanan ng kababaihan at kabataan laban sa panggagahasa at iba pang uri ng sexual abuse.

“Walang ligtas sa batas ang mga taong sumisira sa dangal at kinabukasan ng ating mga kababayan,” diin ni Marantan. “We will relentlessly hunt down predators, bring them before the courts, and ensure they face the full force of the law.”

Sa huling bugso ng mga naaresto, 58 rito ang nakatala bilang most wanted persons (MWP) kung saan 33 ang nasa regional level, siyam sa provincial, pito sa city, at siyam sa municipal level.

May 28 iba pang wanted persons ang nadakip sa serye ng manhunt habang 29 ang nasakote sa pamamagitan ng warrantless arrest.

Nanguna sa talaan ang Laguna Police Provincial Office (PPO) na nakahuli ng 38 suspek, sinundan ng Rizal PPO, 29; Cavite PPO, 23; Batangas PPO, 13; at Quezon PPO, 8.

Nag-ambag din ng tatlong huli ang Regional Intelligence Division at isa ang nadakma Regional Highway Patrol Unit.

Kasalukuyan nang nasa piitan ang mga suspek habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa pag-usad ng kanilang mga kaso sa korte.