4 nagnenok ng kable ng kuryente, huli sa Lipa

255 Views

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas–Apat na suspek sa pagnanakaw ng cable wires na may dala pang baril at shabu noong Linggo ang nasakote ng mga pulis sa Brgy. Balintawak, Lipa City, Batangas.

Kinilala ang mga nahuli na sina alyas Jumong, 38; Leo, 60; Pidoy, 25; at Neneng, 42.

Base sa imbestigasyon, nahuli ang mga suspek habang nagro-roving patrol ang duty security guard sa lugar.

Napansin ng guard ang mga nakaharang na plywood sa building.

Nang suriin ang loob ng lugar, nakita niya ang grupo ng mga lalaki na may dalang backpack.

Narekober mula sa mga suspek ang mga kable ng kuryente, isang kalibre .38, anim na bala at apat na sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165 laban sa mga suspek.