Calendar
448 panukalang batas ipinasa ng Kamara–Speaker Dy
IBINIDA ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na umabot sa 448 panukalang batas ang naipasa ng Kamara de Representantes sa huling pagbasa at 32 sa 61 na prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang nabigyan ng aksiyon.
Sinabi ni Speaker Dy na nakatuon ang mga gawaing lehislatibo ng Kamara sa mga programang naglalayong mapabuti ang edukasyon, maprotektahan ang mga bata, matulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW), mapalawak ang serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen, at matugunan ang iba pang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
“Batay sa ating pinakahuling ulat, umabot na sa 654 ang mga hakbang na naaprubahan ng Kamara, kabilang ang mga panukalang batas at resolusyon,” ani Speaker Dy.
Kabilang sa mga panukalang batas na inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre 12 ang apat na prayoridad ng LEDAC.
Kabilang dito ang House Bill No. 11561 na naglalayong magtatag ng pambansang balangkas para sa pagpopondo at insurance laban sa mga panganib ng kalamidad; House Bill No. 11563 na naglalayong magpatupad ng sistema ng pagsukat sa pagganap ng mga lokal na pamahalaan upang maisulong ang meritokrasya; House Bill No. 11566 na naglalayong protektahan ang mga bata sa paggamit ng social media at mga online gaming platform; at House Bill No. 11597 na naglalayong magtatag ng komprehensibong master plan para sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa bansa.
Sa ilalim ng HB 11561, itatatag ang isang pambansang sistema para sa pagpopondo at insurance na tutulong sa paghahanda at pagtugon sa mga panganib na dulot ng kalamidad.
Layunin ng HB 11563 na amyendahan ang Seal of Good Local Governance Act upang higit na mapalakas ang pagsusuri at pagsukat sa pagganap ng mga lokal na pamahalaan.
Isa sa mga binigyang-diin ni Speaker Dy ang HB 11566 o ang panukalang Children’s Social Media Safety Act na naglalayong magtakda ng mga pamantayan sa kaligtasan at mga regulasyong dapat sundin ng mga social media platform at online gaming service upang maprotektahan ang mga bata.
Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng panukala sina Speaker Dy, Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
“Sa Children’s Social Media Safety Act—na pinasa natin sa pangatlong pagbasa—nais nating protektahan ang mga bata laban sa mapanganib na online content sa pamamagitan ng age restrictions, parental consent, at mas mahigpit na pananagutan ng social media platforms,” pahayag ni Dy.
Sa pamamagitan ng mga panukalang regulasyon, layuning mapalakas ang pananagutan ng mga online platform at mabigyan ang mga magulang ng mas malaking papel sa pagtiyak ng kaligtasan ng kanilang mga anak sa internet.
Samantala, layunin ng HB 11597 na gawing institusyonal ang isang komprehensibong master plan para sa pagpapaunlad ng imprastraktura sa bansa.
