Dy3

Speaker Dy: Pondo sa agrikultura, irigasyon, imprastraktura dinagdagan ng Kamara

Mar Rodriguez Oct 13, 2026
18 Views

DINAGDAGAN ng Kamara de Representantes ang pondong tulong sa agrikultura at pangisdaan at mga proyekto sa irigasyon at imprastraktura sa panukalang pambansang badyet para sa 2027 upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makapaghanda sa banta ng El Niño, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III .

Maagang kumilos ang Kamara upang matiyak na may karagdagang suportang ibinibigay sa mga sektor na maaaring maapektuhan ang kabuhayan dahil sa naturang penomenong pangklima.

Binigyang-diin ni Dy ang kahalagahan ng paghahanda bago pa maranasan ang epekto ng inaasahang matinding El Niño.

“Hindi pa man dumarating, maagap din tayong kumilos para mabigyan ng karagdagang pondo sa paghahanda laban sa sinasabing ‘Super El Niño,’ kung saan tatamaan ang libu-libo sa ating mga mangingisda at magsasaka,” pahayag ni Speaker Dy.

Kabilang sa mga pagbabagong ginawa ng Kamara sa panukalang badyet ang karagdagang P10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk na magpapalawak sa pondong nakalaan para sa tulong sa mga magsasaka at mangingisda.

Inanunsyo rin ni Dy ang mga sumusunod na karagdagang pondo para sa sektor ng agrikultura P500 milyon para sa Expanded Fertilizer Assistance; P4.09 bilyon para sa mga proyekto sa irigasyon sa buong bansa; P4.96 bilyon para sa mga kalsadang nag-uugnay sa mga sakahan at pamilihan o Farm-to-Market Roads; P150 milyon para sa imprastraktura ng transportasyong pang-agrikultura; P100 milyon para sa mga high-value crop; at P331 milyon para sa Climate Resilient Farm Productivity Support.

Layunin ng mga pondong ito na mapalakas ang produksiyon ng mga sakahan, matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa irigasyon, at mapadali ang paghahatid ng mga produktong agrikultural mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan.

Inaasahan ding makatutulong ang mga programang ito upang mabawasan ang posibleng pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sakaling lumala ang epekto ng El Niño.

Ayon kay Speaker Dy, isinasaalang-alang sa pagbuo ng badyet ang mahahalagang pangangailangan ng mga Pilipino, kabilang ang edukasyon, kalusugan, at paghahanda sa mga sakunang dulot ng pagbabago ng klima.

“Sinigurado natin na ang pinakamahalagang pamantayan ay ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan—mula sa edukasyon at kalusugan hanggang sa paghahanda sa mga sakunang dulot ng climate change, katulad ng El Niño,” ani Speaker Dy.

Sa pamamagitan ng karagdagang pondo para sa mga programang pang-agrikultura at pangisdaan, layunin ng Kamara na palakasin ang kahandaan ng bansa sa posibleng epekto ng El Niño, maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, at mapanatili ang suplay ng pagkain sa bansa.