5 Amerikano, sugatan sa nag-crash na maliit na eroplano sa Pangasinan

Zaida Delos Reyes Feb 26, 2026
300 Views

SUGATAN ang limang Amerikanong, matapos na mag-crash ang maliit na eroplanong sinasakyang ng mga ito habang sinusubukang mag-take off sa isang itinalagang alternate landing zone sa kahabaan ng bypass road sa Barangay Casampagaan, Laoac, Pangasinan nitong Martes ng hapon.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 1 , ang insidente ay naganap dakong 1:45 ng hapon nitong Martes.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, bumangga ang eroplano sa mga konkretong harang sa gilid ng kalsada habang papaalis sa nasabing lugar. Dahil dito, nagtamo ng pinsala ang sasakyang panghimpapawid.

Tatlo sa mga biktima kabilang ang piloto ang dinala sa The Medical City Clark para sa karagdagang gamutan. Ang dalawa naman ay nabigyan ng paunang lunas sa mismong pinangyarihan ng insidente.

Sa inisyal na ulat, napag-alaman na ang mga nasugatan ay miyembro ng United States Special Tactical Team.

Gayunman, wala pang inilalabas na pormal na pahayag ang Embahada ng Estados Unidos hinggil sa detalye ng kanilang misyon o aktibidad sa lugar.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente, kabilang na kung nagkaroon ba ng mechanical failure o human error sa pagmamaniobra ng eroplano.

Samantala, tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Laoac na ligtas ang mga residente sa lugar at wala namang nadamay na sibilyan sa naturang pangyayari.

Hinihintay pa ang karagdagang ulat mula sa PRO1 at iba pang kinauukulang ahensya para sa mas kumpletong detalye ng insidente.