Calendar
Source: DMW FB
53 biktima ng scam hub sa Cambodia nakabalik na ng Pilipinas



LIMAMPU’T tatlong biktima ng human trafficking, kabilang ang dalawa na nangangailangan ng agarang atensyong medikal, ay ligtas na nakarating nitong Marso 13, 2026, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines PR 2622 mula Phnom Penh, Cambodia.
Sa pamamagitan ng magkatuwang na aksyon ng Embahada ng Pilipinas sa Cambodia at ng Rapid Response Team ng Department of Migrant Workers (DMW), matagumpay na naiproseso ang kanilang ligtas na pagbabalik sa bansa.
Ang mga biktima ay naloko sa pamamagitan ng messaging app na Telegram, kung saan sila ay pinangakuan ng sahod na mula 600 hanggang 1,000 USD at mga balidong working visa.
Isa sa mga biktima ang naglahad ng karanasang pang-aabuso—pinilit na gumawa ng 300 push-ups, pinagkaitan ng pagkain, at hindi binayaran ng sahod dahil sa kabiguang makakuha ng 26 “love scam” na kliyente kada araw.
Pagdating sa NAIA, sinalubong ang mga biktima ng isang whole-of-government team mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Bureau of Immigration (BI), NAIA Task Force Against Trafficking (TFAT), Department of Health (DOH), at MIAA Medical Team upang matiyak ang maayos na proseso at agarang suporta. Ang dalawang nangangailangan ng medikal na atensyon—isa na may kidney failure at isa na may bali sa clavicle dahil sa aksidente sa sasakyan—ay nabigyan ng gamot at irerefer sa mga DOH hospital para sa libreng gamutan.
Habang isinasagawa ang pagproseso ng kanilang mga pahayag, ang mga biktima ay binigyan ng pansamantalang tirahan at tutulungan sa pamamagitan ng komprehensibong serbisyo gaya ng psychosocial counseling, reintegration support, recovery services, at transportasyon patungo sa kani-kanilang mga probinsya.

