PCG Larawan: PCG/FB

6 na pasahero ng distressed motorbanca sa DavOcc nasagip ng PCG

123 Views

Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na pasahero ng isang motorbanca na nakaranas ng problema sa makina habang bumibiyahe sa karagatan ng Davao Occidental noong Agosto 19.

Patungo sana sa Barangay Bukid, Jose Abad Santos ang motorbanca mula Barangay Camahual sa Sarangani Island nang makaranas ito ng engine trouble habang apektado ng habagat.

Bandang alas-7 ng umaga nang makatanggap ng distress call ang PCG. Agad na nagpakalat ng search and rescue team ang ahensya at nakipag-ugnayan sa mga sakay hanggang sa matagpuan ang motorbanca.

Matapos mahanap, ligtas na hinila ng PCG ang sasakyang-dagat patungo sa Coast Guard Sub-Station Jose Abad Santos para sa karagdagang pagsusuri. Lahat ng anim na pasahero ay nasa mabuting kondisyon at walang naiulat na nasaktan.

Bahagi ang operasyon ng patuloy na maritime safety efforts ng PCG at ng Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement (iCARE) program nito, na nakatuon sa mabilis na pagtugon sa mga nangangailangan ng tulong sa karagatan.