Calendar
Larawan: PNP Zambales Police Provincial Office/FB
6 patay, 3 nawawala matapos tumaob ang banka sa Mapanuepe Lake
Anim katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi habang tatlo pa ang patuloy na nawawala matapos tumaob at lumubog ang isang motorized banca sa Lake Mapanuepe, Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales, nitong Agosto 27.
Ayon sa Zambales Police Provincial Office, 13 katao mula sa Sitio Lumibao ang sakay ng banca at pauwi na matapos dumalo sa 4Ps meeting at medical vaccination sa Barangay Buhawen Center nang mangyari ang insidente bandang alas-2 ng hapon. Apat ang nakaligtas, habang anim ang kumpirmadong nasawi—tatlong adulto at tatlong bata. Patuloy naman ang paghahanap sa tatlo pang nawawala.
Agad na nagsagawa ng search, rescue at retrieval operations ang mga tauhan ng pulisya, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), San Marcelino Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang responders.
Gayunman, pansamantalang itinigil ang operasyon bandang alas-6:45 ng gabi dahil sa masamang panahon. Muling nagsagawa ng safety assessment ang PCG nitong Agosto 28, ngunit hindi pa maisagawa ang deep-water search dahil sa kondisyon ng lawa.
Samantala, nasa kustodiya ng San Marcelino Police Station ang operator ng banca habang pinag-aaralan ang posibleng pagsasampa ng kaso dahil sa reckless imprudence resulting in multiple homicide.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga awtoridad para sa paghahanap sa tatlong nawawala at pagpapalakas ng tugon sa trahedya.
Larawan: PNP Zambales Police Provincial Office/FB

