Calendar
7 tripulante ligtas matapos masunog sa Tingloy, Batangas
PITONG tripulante ang nakaligtas matapos na masunog ang motor yatch na sinasakyan ng mga ito habang naglalayag sa karagatang sakop ng Tingloy, Batangas nitong Martes ng umaga.
Batay sa ulat ng Coast Guard- District Southern Tagalog (CGDST) , dakong 7:35 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat mula sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa umuusok na yate sa naturang lugar.
Sa inisyal na ulat, namataan ang makapal na usok at apoy mula sa motor yacht Allusive habang ito ay naglalayag sa karagatang sakop ng Tingloy, Batangas.
Agad rumesponde ang Coast Guard District Southern Tagalog (CGDST) sa pamamagitan ng pagpapadala ng high-speed response boat na may sakay na medical at maritime personnel.
Ayon sa paunang ulat, bumiyahe ang Allusive kasama ang convoy vessel na Neptimus 3 mula Puerto Galera patungong Punta Fuego, Nasugbu para sa isang yacht sailing event nang sumiklab ang sunog, na pinaniniwalaang nagmula sa engine room dahil sa posibleng electrical failure.
Bilang pag-iingat, inabandona ng pitong Filipino crew ang nasusunog na yacht at ligtas na nailipat sa Neptimus 3.
Kinumpirma ng PCG na maayos ang kalagayan ng lahat ng crew at walang naiulat na nasaktan.
Sa tulong ng PCG ay hinila ang nasusunog na yate sa pampang upang maiwasan ang mas malalang panganib habang ang mga crew naman ay dinala sa Batangas Port para sa medical assessment.

