Soco Sinisiyasat ng mga operatiba ng MPD-SOCO ang napatay na suspek sa holdapan sa isang convenience store matapos makipagpalitan ng putok sa mga rumespondeng pulis sa kahabaan ng San Marcelino St., Ermita, Manila.

Holdaper ng convenience store dedo sa barilan

353 Views

DEAD on the spot ang isang security guard na responsable umano sa serye ng robbery holdup nang maka-engkwentro ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Biyernes ng gabi sa kahabaan ng San Marcelino St., sa tapat ng Adamson University, Ermita, Maynila.

Kinilala ang napatay na si Ernesto Onora, 46, residente ng Tenejero, Candaba, Pampanga samantalang nakatakas naman ang isa pa nitong kasamahan na nakasuot ng kulay berdeng t-shirt.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, alas 9:30 ng gabi nang mangyari ang engkwentro sa pagitan ng mga suspek at tauhan ng pinagsanib na pwersa ng MPD-CIS at Theft and Robbery Section.

Nauna rito, isang confidential informant ang nagtungo sa nasabing tanggapan upang ipagbigay alam ang planong robbery ng mga suspek gamit ang isang motorsiklo bilang get-away vehicle.

Matapos matanggap ang nasabing impormasyon,agad na kumilos ang mga operatiba para magsagawa ng follow-up operation kaugnay ng mga nasabing holdapan.

Naispatan ng mga awtoridad ang mga suspek na paikot-ilot sa bisinidad ng 7-Eleven convenience store sa kahabaan ng San Marcelino St.

Positibong itinuro ng impormante ang mga suspek at nang sisitahin ang mga ito ay mabilis pinaharurot ang kanilang motorsiklo dahilan para sila ay habulin.

Nawalan ng kontrol ang mga suspek at sumemplang sa gutter ng kalsada hanggang sa bumunot ng baril ang suspek na si Onora at pinaputukan ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga pulis.

Nang humupa ang putukan, nakita na lamang na duguang nakabulagta ang suspek habang ang kasabwat nito ay nakatakas patungo sa direksyon ng United Nations Avenue.

Narekober ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang ang 9mm na baril at .357 caliber revolver at iba pang mga bala