LTFRB

847 dagdag na bus permits inilabas ng LTFRB

Jun I Legaspi Oct 24, 2025
235 Views

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Kalihim Giovanni Z. Lopez ng Department of Transportation, ang 847 special permits para sa mga karagdagang pampasaherong bus.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, saklaw ng mga special permit ang 124 ruta sa Metro Manila at Luzon.

“Ang mga karagdagang bus na ito ay inaasahang tutugon sa pagdami ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya upang magbigay-galang sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Magsasagawa kami ng patuloy na pagsusuri at pagmamanman sa sitwasyon sa mga lansangan simula pa sa susunod na linggo,” sabi ni Chairman Mendoza.

Ang mga ruta ng special permits ang Metro Manila patungong Hilagang Luzon: 491 yunit; Metro Manila patungong Timog Luzon (Calabarzon at Mimaropa): 189 yunit; Metro Manila patungong Rehiyong Bicol: 67 yunit; Metro Manila patungong Silangang Visayas: 18 yunit; Metro Manila patungong Kanlurang Visayas: 21 yunit; Metro Manila patungong Mindanao: 5 yunit; at iba pang ruta sa Luzon (hindi saklaw ang Metro Manila): 56 yunit.

Tiniyak ni Chairman Mendoza na handa ang LTFRB na magsagawa ng regular at biglaang inspeksyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pampublikong sasakyan at ng mga tauhan ng transport companies.

Inaasahang magsisimula ang Undas exodus ngayong weekend, kasabay ng wellness break na idineklara ng ilang paaralan simula Oktubre 27.

Nauna nang inatasan ni Chairman Mendoza ang lahat ng Regional Directors na magsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal at transport stations sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

“Patuloy naming ipaparamdam ang presensya ng LTFRB sa mga transport hubs at lansangan, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan,” sabi ni Chairman Mendoza.