CAAP

CAAP pinalalakas kakayahan ng emergency responders

Jun I Legaspi Oct 24, 2025
306 Views

PINALALAKAS ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kakayahan ng mga airport emergency responder sa pagsasagawa ng Basic Aerodrome Rescue and Firefighting (ARFF) Training Course sa Bicol International Airport.

Layunin ng inisyatiba na matiyak ang kahandaan ng mga tauhan sa pagresponde sa mga emerhensiya nang may propesyonalismo at kahusayan.

Ang Basic Aerodrome Rescue and Firefighting Training Course ay idinisenyo upang paigtingin ang kasanayan at kahandaan ng mga airport firefighter sa pagharap sa mga insidenteng may kaugnayan sa sasakyang panghimpapawid.

Sasaklawin ng isang buwang kurso ang parehong teoretikal at praktikal na aspeto ng firefighting, rescue operations, at mga pamamaraan sa pagresponde sa emerhensiya.

“Ang pagsasanay na ito ay patunay ng patuloy naming pagsisikap na palakasin ang kahandaan ng mga paliparan sa mga emerhensiya,” ayon kay CAAP Director General Raul Del Rosario.

Muling pinagtitibay ng CAAP ang layunin nitong itaas ang antas ng kakayahan sa airport emergency response upang matiyak ang isang ligtas, segurado at handang kapaligiran sa larangan ng aviation.