Calendar
9-anyos nagsumbong ukol sa paggahasa ng ama
QUEZON CITY — Arestado ang isang 30-anyos na lalaki na nahaharap sa tatlong kasong may kaugnayan sa panggagahasa matapos ipatupad ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) ang warrant of arrest sa parking area ng isang mall sa Barangay Bago Bantay, Quezon City, dakong alas-7:05 ng gabi noong Oktubre 6, 2026.
Dinakip ng mga tauhan ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ang suspek batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Branch 279, Mandaluyong City, noong Nobyembre 13, 2025.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng suspek ang Qualified Rape, paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at Rape by Sexual Assault, kabilang ang tangkang Qualified Rape.
Batay sa salaysay ng siyam na taong gulang na biktima, unang naganap ang pang-aabuso noong Setyembre 2022 habang silang dalawa lamang ng kanyang ama ang nasa kuwarto. Muli umanong nangyari ang insidente noong Abril 2023, at pinagbawalan ang bata na sabihin sa iba ang kanyang sinapit.
Dahil hindi na nakayanan ng biktima ang pang-aabuso, ipinagtapat niya ito sa kanyang tiyahin na naging dahilan ng pagsasampa ng kaso.
Matapos ang pag-aresto, sumailalim ang suspek sa pisikal na pagsusuri sa Mandaluyong City Medical Center bago siya dinala sa custodial facility ng Mandaluyong City Police Station para sa pansamantalang kustodiya.
Ayon kay EPD District Director Police Brig. Gen. Roman C. Arugay, ipinakikita ng pagkakaaresto ang patuloy na pagsisikap ng pulisya na mahuli ang mga wanted na indibidwal at maiharap sila sa hustisya.
Binigyang-diin ni Arugay na mananatiling nakatuon ang EPD sa pagprotekta sa publiko, lalo na sa mga kababaihan at bata, at sa pagpapanagot sa mga indibidwal na nahaharap sa mabibigat na kasong kriminal.
Samantala, nanawagan ang EPD sa publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Metro East.

