Calendar
Wanted na ‘kawatan’ na may 8 arrest warrant dinampot sa Taguig
TIMBOG ang umano’y lider ng kilabot na grupo ng mga kriminal na may walong warrant of arrest sa iba’t-ibang hukuman sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Taguig City.
Natunton ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas “Sonny Boy”, 28, dakong alas-8:00 noong Biyernes ng gabi sa Brgy. Calzada-Tipas, kasama ang dalawa pang lalaki na tinangkang hadlangan ang mga pulis sa pagdakip sa akusado.
Ayon kay BGen. Pastor, nakuha sa akusado ang isang granada nang isilbi sa kanya ng mga operatiba ng Taguig City Police ang warrant of arrest para sa kasong murder na inilabas ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Joy N. Casihan-Dumlao ng Branch 262.
Sa ginawang beripikasyon sa E-Warrant System, natuklasan na may pito pang mga outstanding warrant of arrest si Sonny Boy na inilabas ng iba’t-ibang korte sa Taguig, Pasig, at lalawigan ng Rizal, para sa mga kasong robbery, carnapping, frustrated murder, at robbery with intimidation.
Sa naturang operasyon, nadakip din nina Taguig police chief P/Col. Julius Añonuevo si alyas “Gil Angelo” nang matiyempuhan sa lugar na may nakasukbit na hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si alyas Gil Angelo habang Obstruction of Justice naman ang ihahaing reklamo sa dalawang kasama ni alyas Sonny Boy sa Taguig City Prosecutor’s Office.

