Calendar
GENCORP NABIGONG IDEKLARA P1.049 KITA
ANG GenCorp Industries Inc., isang kumpanyang nagmamay-ari ng mga prangkisa ng Jollibee at kung saan idineklara ni Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang sinumpaang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na mayroon siyang mga sapi, ay umano’y nabigong ideklara ang mahigit ₱1 bilyong kita sa loob ng apat na taon.
Ito ang ibinunyag ni Atty. Alexander “Alex” Cabrera, isang eksperto sa forensic accounting, sa pagdinig ng Senado bilang impeachment court.
Ayon kay Cabrera, dating chairman ng PwC Philippines, may kabuuang ₱1,049,221,912 na umano’y hindi idineklarang kita ang GenCorp, na nagpapatakbo diumano ng limang prangkisa ng Jollibee. Katumbas ito ng average na 87 porsiyentong kulang na deklarasyon ng kita bawat taon.
“GenCorp po talaga iyong may pinakamalaking underdeclaration — mahigit isang bilyon,” ani Cabrera, habang inihahambing ang kumpanya sa dalawa pang kompanyang sinuri sa kanyang imbestigasyon, kabilang ang Cale88 Food Corps at Metro Chow.
Sinabi niyang 10 hanggang 13 porsiyento lamang ng kita nito bawat taon ang idinedeklara ng GenCorp, dahilan upang kuwestiyunin niya ang pagiging maaasahan ng mga financial statement ng kumpanya.
Sa mahigit ₱1 bilyong kita na umano’y hindi idineklara, tinatayang ₱212 milyon ang iniugnay ni Cabrera kay Duterte, batay sa kanyang konserbatibong pagtataya na mayroon itong 20 porsiyentong ekonomikong interes sa GenCorp.
Inilahad din ni Cabrera ang mga pagkakaiba sa pagitan ng sinumpaang SALN ni Duterte at ng mga rekord ng GenCorp na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon kay Cabrera, idineklara ni Duterte sa kanyang SALN na isa siyang stockholder ng GenCorp. Gayunman, hindi lumitaw ang pangalan niya sa General Information Sheet (GIS) ng kumpanya na inihain sa SEC.
Ipinunto niya ang posibilidad na may ibang mga shareholder na may hawak ng mga sapi para sa kapakinabangan ni Duterte. Tinataya niyang maaaring nasa 20 hanggang 45 porsiyento ang posibleng pagmamay-ari nito sa kumpanya.
Kinuwestiyon din ni Cabrera kung may kaugnayan ang hindi pagkakasama ng pangalan ni Duterte sa mga rekord ng pagmamay-ari ng GenCorp sa SEC sa mga kontrata ng kumpanya sa pamahalaang lokal ng Davao City.
Batay sa mga rekord na naiprisinta na sa impeachment court, nakakuha ang GenCorp ng ₱35.88 milyong halaga ng mga kontrata sa pamahalaan mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2026. Kabilang dito ang ₱34.22 milyon mula sa Davao City sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Sebastian Duterte, kapatid ng Bise Presidente.
“Kung si VP Sara po ay nakapangalan sa GIS ng GenCorp, hindi po puwedeng makakuha ng kontrata ang GenCorp sa City of Davao. Bawal po iyon. Conflict of interest po,” testimonya ni Cabrera.
Kinuwestiyon din ng eksperto sa pananalapi ang idineklarang kapital ng GenCorp na ₱1.25 milyon lamang, sa kabila ng pagpapatakbo nito ng limang prangkisa ng Jollibee. Tinataya ni Cabrera na mangangailangan ang limang prangkisa ng pinagsamang puhunan na hindi bababa sa ₱175 milyon.
Bahagi lamang ng mas malawak na imbestigasyong pinansyal ni Cabrera ang kanyang mga natuklasan tungkol sa GenCorp. Sa kabuuan, natukoy sa kanyang imbestigasyon ang ₱817.87 milyong halaga ng mga ari-ariang umano’y hindi idineklara at yaman na walang malinaw na pinagmulan na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, mula 2022 hanggang 2025.
Napagpasyahan ni Cabrera na hindi totoo ang mga SALN ni Duterte sa loob ng apat na magkakasunod na taon dahil umano sa hindi pagdedeklara ng malaking halaga ng mga ari-ariang pag-aari ng mag-asawa.
Hiwalay ang pagkakaiba sa deklarasyon ng kita ng GenCorp sa pagtataya na ₱817.87 milyon na personal na yaman nina Duterte at Carpio.
