Calendar
Hamon ni Lacson kay Cayetano: Mga ‘binantaan’ ko pangalanan mo
HINAMON ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Sen. Alan Peter Cayetano na pangalanan ang mga “indibidwal” na, ayon kay Lacson, binantaan niya raw kaugnay ng mga umano’y maanomalyang proyektong pang-imprastraktura sa Taguig.
“Sen. Cayetano should name the ‘individuals’ he alleged I threatened, so I can properly address this new issue point-by-point,” ani Lacson sa post sa X.
Sinabi ni Cayetano na nakatanggap siya ng mga “feelers” na may ilang partido umanong pinipilit na umamin na may iregularidad sa Taguig.
Tinawag ni Lacson na “live selling” ang livestream ni Cayetano at para sa kanya palatandaan ng pagkataranta ni Cayetano na mag-“spin” sa isyu ng umano’y maanomalyang mga proyekto at ilegal na reclamation sa lungsod.
“Spinning tales betrays panic but like guilt, it will never go away,” wika ng senador.
Noong Setyembre 3, binatikos na rin ni Lacson ang pahayag ni Cayetano na demolition job na may motibong pulitikal, fake news at trial by publicity ang mga paratang laban sa kanya.
“Pathetic. Imagine someone ‘quacking’ on FB Live with accusations of politically motivated demolition job, fake news and trial by publicity and at the same time ‘quaking in his boots’ every time each piece of evidence of corruption in his turf unfolds before his eyes,” sabi noon ni Lacson sa X.
Nag-post din si Lacson sa X ng raw video mula sa isang composite inspection team na aniya’y nagpapakita ng patuloy na ilegal na reclamation sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig.
Ayon kay Lacson, nagsumite sila ng kanyang team sa Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case study, na sinusuportahan ng mga opisyal na dokumento, hinggil sa tinawag nilang “systemic anomalies” sa mga flood control project sa Taguig.
Dahil dito, nagsagawa ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyon, dagdag ni Lacson.
