Sen. Tulfo Senador Erwin Tulfo

Tulfo sa power firms: Imbestigasyon vs abusadong taas-singil sa El Niño

28 Views

NAGBANTA si Sen. Erwin Tulfo na paiimbestigahan niya ang power companies na sasamantalahin ang inaasahang super El Niño para magpataw ng hindi makatarungang singil sa kuryente o magbigay ng mahinang serbisyo.

Ito’y kasunod ng abiso ng Department of Energy (DOE) at ilang electric cooperative na posibleng tumaas ang singil sa kuryente at magkaroon ng rolling blackout.

“Hindi ako magdadalawang-isip na imbestigahan ang mga power generation companies o distribution utilities na aabuso sa climate crisis na ito upang magpalaki ng kanilang kita,” banta ni Tulfo.

Inamin ng senador na inaasahan ang paggalaw ng presyo dahil sa demand, pero may hangganan ito.

Hinimok ni Tulfo ang DOE at ang Energy Regulatory Commission (ERC) na protektahan ang mga konsyumer laban sa mapagsamantalang pagpepresyo, pagtaas ng singil at pagbaba ng suplay.

Dapat din madaliin ng dalawang ahensiya ang konkretong plano para manatiling sapat ang suplay at tama ang presyo ng kuryente, at matiyak na walang sadyang paglikha ng kakulangan sa suplay para bigyang-katwiran ang pagtaas ng singil.

“Pananagutin ng Committee on Energy ang sinumang magtatangkang umabuso sa El Niño,” giit ni Tulfo.

Kinilala ng senador na inaprubahan ng Kamara ang pondo para sa pagpapalawak ng sitio electrification sa 2027 General Appropriations Bill. Pero hindi raw ito sasapat kung hindi magtutulungan ang mga ahensya ng ehekutibo sa ground.

Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang lalakas ang El Niño at aabot sa “very strong El Niño” mula Setyembre hanggang Disyembre 2026 at magpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.