Tulfo

PROSEKUSYON NG KAMARA, SUSURIIN ANG NATUKLASAN NG NBI SA MGA ARI-ARIAN NI VP SARA

30 Views

PUMAYAG ang prosekusyon nitong Lunes na alamin kung kasama sa umano’y P817.8 milyong hindi idineklarang yaman ni Vice President Sara Duterte ang dalawang ari-ariang inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI).

Lumutang ang tanong nang ipakita ni Senator-judge Erwin Tulfo ang video ng press conference ng NBI tungkol sa dalawang ari-arian, sa ika-38 araw ng impeachment trial sa Senado.

Isa rito ang agricultural land na iniulat na nabili sa halagang P200,000.

Tinanong ni Tulfo ang financial forensic analyst ng prosekusyon na si Atty. Alexander B. Cabrera kung bahagi ng P817.8 milyon sa kanyang forensic report ang mga ari-ariang ito.

Hindi ito makumpirma ng forensic expert. Ayon kay Cabrera, kailangan muna niyang suriin ang mga titulo at iba pang kaugnay na dokumento.

Sa cross-examination ng depensa Lunes ng umaga, inamin ni Cabrera na wala siyang ginamit na dokumento mula sa Bise Presidente o sa asawa nitong si Manases “Mans” Carpio, at hindi rin niya nakapanayam ang mag-asawa.

Kinumpirma rin niyang binubuo ang P817.8 milyon ng umano’y hindi idineklarang assets at kita ng mag-asawa.

Hiniling ni Tulfo sa prosekusyon na beripikahin ang inilabas ng NBI at alamin kung naisama na ang mga ari-arian sa financial analysis. Tinanong din niya kung may kopya ang prosekusyon ng mga kaugnay na dokumento, at kung bahagi na ito ng ebidensiya nito.

Pumayag ang prosekusyon na suriin ang usapin.

Tinanong ni Tulfo si House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno kung mabeberipika ng prosekusyon ang mga natuklasan ng NBI batay sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte at iba pang rekord pinansyal.

“Susuriin po ba ninyo ito sa susunod upang matiyak at masuri kung tama ang imbestigasyon ng NBI?” tanong ni Tulfo.

“Opo, gagawin namin iyon, Your Honor,” tugon ni Diokno.

Ipinaalam ni Diokno sa hukuman na may mga kopya ang prosekusyon ng mga SALN ni Duterte, na naglalaman ng mga paglalarawan sa kanyang mga idineklarang real property o hindi natitinag na ari-arian.