Cabrera3

VP Sara, asawa walang maipakitang record para pabulaanan ‘di maipaliwanag na yaman–forensic accounting expert

Mar Rodriguez Oct 12, 2026
31 Views

WALANG naiharap na mga rekord sa pananalapi sina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sa kanilang mga sagot sa impeachment proceedings na maaaring magamit upang suriin at pabulaanan ang natuklasang P817.87 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawa, ayon sa eksperto sa forensic accounting ng House prosecution panel na si Atty. Alexander B. Cabrera.

Sa cross-examination ni defense counsel Kristine Ferrer, tinanong si Cabrera kung may mga dokumentong isinumite sina Duterte at Carpio sa kanilang mga sagot sa Kamara at Senado na maaari niyang isaalang-alang sa kanyang pagsusuri.

“Wala po kasi doon sa reply po, answer niya po sa House at saka po sa Senate. Wala po,” pahayag ni Cabrera.

Ayon sa eksperto, sinuri ng kanyang pangkat ang mga sagot na isinumite sa impeachment proceedings upang hanapin ang mga kaugnay na dokumento, ngunit wala silang natagpuan.

“Had there been, I would have used po,” dagdag nito na nangangahulugang gagamitin niya ang mga naturang dokumento kung mayroon lamang naiharap.

Kinumpirma rin ni Cabrera na hindi niya personal na nakapanayam sina Duterte, Carpio, gayundin ang kanilang mga accountant at auditor, bilang bahagi ng kanyang pagsusuri.

Ipinaliwanag ni Cabrera na nakabatay lamang sa mga dokumentong kanilang nakalap ang isinagawang forensic accounting examination.

Kinumpirma rin nito na tinukoy sa kanyang forensic report ang tinatayang ₱817.87 milyong umano’y hindi naideklarang mga ari-arian at kita na may kaugnayan kina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Sinabi ni Cabrera na nakatuon lamang ang kanilang pagsusuri sa tatlong korporasyon dahil sa limitadong panahon na inilaan para sa kanilang trabaho.

Kabilang sa mga kumpanyang sinuri ang Metro City Chao Foods Corp., GenCorp Industries Inc., at Cale88 Foods Corp.

Kinuwestiyon din ni Ferrer ang kawalan ng talaan ng mga dokumento, talaan ng nilalaman, at listahan ng mga legal na sanggunian sa 50-pahinang forensic report ni Cabrera.

Inamin ng eksperto na wala sa pangunahing ulat ang mga naturang bahagi. Gayunman, ipinaliwanag niyang nakalakip sa mga annex ang mga sumusuportang dokumento, habang makikita naman sa mga footnote ang mga legal na sangguniang ginamit.

Kinumpirma rin ni Cabrera na nakatanggap ang kanyang pangkat ng karagdagang mga rekord sa bangko noong ikalawang linggo ng Setyembre. Kabilang dito ang mga kahon ng dokumento at mga digital na kopya mula sa ilang bangko.