Tulfo

Kasama sa P817.8M ari-arian mga inilabas ng NBI–Erwin Tulfo sa NBI

33 Views

PUMAYAG ang prosekusyon na alamin kung kasama sa umano’y P817.8 milyong hindi idineklarang yaman ni Vice President Sara Duterte ang dalawang ari-ariang inilabas ng National Bureau of Investigation (NBI).

Lumutang ang tanong nang ipakita ni Senator-judge Erwin Tulfo ang video ng press conference ng NBI tungkol sa dalawang ari-arian. Isa rito ang agricultural land na iniulat na nabili sa halagang P200,000.

Tinanong ni Tulfo ang financial forensic analyst ng prosekusyon na si Atty. Alexander B. Cabrera kung bahagi ng P817.8 milyon sa kanyang forensic report ang mga ari-ariang ito pero hindi makumpirma ng forensic expert.

Ayon kay Cabrera, kailangan muna niyang suriin ang mga titulo at iba pang kaugnay na dokumento.

Sa cross-examination ng depensa, inamin ni Cabrera na wala siyang ginamit na dokumento mula sa Bise Presidente o sa asawa nitong si Manases “Mans” Carpio, at hindi rin niya nakapanayam ang mag-asawa.

Kinumpirma rin niyang binubuo ang P817.8 milyon ng umano’y hindi idineklarang assets at kita ng mag-asawa.

Hiniling ni Tulfo sa prosekusyon na beripikahin ang inilabas ng NBI at alamin kung naisama na ang mga ari-arian sa financial analysis.

Pumayag ang prosekusyon na suriin ang usapin.