Dy2

’27 budget pasado na–Speaker Dy

Mar Rodriguez Oct 13, 2026
29 Views

IPINAHAYAG ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa huling araw ng session ng Kamara de Representantes na naipasa na ng Kongreso ang panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Sa kanyang talumpati sa mga miyembro ng Kamara, sinabi ng House Speaker na tinupad ng kapulungan ang pangakong binitiwan nito ng isumite sa kanila ang National Expenditure Program (NEP) noong Agosto.

“Nang iharap sa Kamara ang National Expenditure Program noong Agosto, nangako tayo sa sambayanang Pilipino na ang bawat sentimong pinaghirapan nila at ibinayad bilang buwis ay dapat gastusin nang wasto, tapat at para sa mga programang tunay na makapagbibigay ng positibong pagbabago sa kanilang buhay,” ang pahayag ni Speaker Dy.

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 10858, na naglalaan ng pondo para sa operasyon ng pamahalaan mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2027.

Ang mga pangangailangan ng mamamayan ang naging pangunahing gabay ng Kamara sa masusing pagsusuri sa panukalang paggasta ng pamahalaan. Bunga nito, nadagdagan ang pondong inilaan para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, transportasyon, at paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.

“Ito po ang naging gabay natin sa bawat hakbang ng pagbuo ng 2027 national budget. Tiniyak natin na ito ay may transparency at ipinagpatuloy din natin ang mga repormang sinimulan natin noong nakaraang taon, katulad ng BARSc,” pahayag pa ni Speaker Dy.

Kabilang sa mga pagbabagong ginawa ng Kamara ang karagdagang P10.06 bilyon para sa mga programa sa edukasyon na nakatuon sa kaligtasan sa mga paaralan, inklusibong pagkatuto, pagbangon ng mga mag-aaral mula sa kakulangan sa pag-aaral, at pagpapalawak ng access sa de-kalidad na edukasyong tersyarya.

Nagdagdag din ng pondo para sa tulong medikal at suporta sa sektor ng agrikultura.

Para naman sa sektor ng transportasyon, binigyang-diin ni Dy ang karagdagang P500 milyon para sa Service Contracting Program at P1 bilyon para sa subsidiya sa gasolina.

Layunin ng pondong ito na makatulong sa mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan, mga drayber ng traysikel, mga delivery rider, at iba pang nagbibigay ng serbisyo sa transportasyon.

Ayon sa Speaker, ang mga karagdagang pondong ito ay bahagi ng pagsisikap ng Kamara na matugunan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang sektor at maibsan ang mga gastusing kinakaharap ng mga mamamayan.

Ngayong natapos na ng Kamara ang pagtalakay sa panukalang badyet, hinimok ni Dy ang publiko na makiisa sa pagbabantay sa pagpapatupad ng mga programang popondohan ng panukalang batas.