DOLE

Validation ng 469 aplikante sa DOLE-Tupad ginanap sa kapitolyo ng Or. Mindoro

Helen D. Prado Oct 14, 2026
27 Views

DOLE1ORIENTAL MINDORO — Apat na raan at animnapu’t siyam na mga aplikante ang sumailalim sa validation ng mga kawani ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa bagong batch ng DOLE-TUPAD na pinamamahalaan ng Pamahalaang Panlalawigan na ginaganap sa Kapitolyo nitong Oktubre 13.

Bahagi ang mga ito ng kabuuang 658 slots na inilaan para sa mga aplikante mula sa Lungsod ng Calapan, Baco, Naujan, San Teodoro, Puerto Galera, Pola, Socorro, Pinamalayan, at Gloria.

Kabilang sa mga pagsasanay na nakapaloob sa programa ang TESDA NC II Carpentry, TESDA NC II Masonry, paggawa ng sabon, paggawa ng pabango, paggawa ng DIY basahan, housekeeping, caregiving, urban at community gardening at ube agricultural crops production.

Ayon kay PPESO-TUPAD Program Focal Person Remar Troy Romero na kumatawan kay PGDH-PESO Manager Antonio Magnaye Jr., mas pinaiigting na ang ipinatutupad na programa sa pamamagitan ng mas mahigpit na proseso ng validation ng DOLE upang tukuyin ang mga kwalipikadong benepisyaryo.

Tinitiyak din aniya pa, na ang mga ipinagkakaloob na pagsasanay sa ilalim ng programang ito ay makatutulong sa mga benepisyaryo na matututo ng mga bagong kasanayan na maaari nilang magamit sa paghahanapbuhay.