Rape

2 rape suspek kabilang sa 8 MWP na nadakip sa Warrant Day ng NPD

Edd Reyes Oct 15, 2026
36 Views

DALAWANG kelot ang naaresto ng pulisya sa magkahiwalay na lugar dahil sa kamunduhan noong Miyerkules sa Caloocan at Malabon Cities.

Sa loob na ng Malabon City Jail isinilbi ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission ang warrant of arrest laban kay alyas “Tonton”, 34, matapos unang madakip sa paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.

Mismong si P/Lt. Redentor Mantala, Jr., hepe ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon police ang nagsilbi ng warrant of arrest na inilabas ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 289 laban sa akusado dakong alas-2:10 ng hapon para sa kasong Sexual Assault sa nakapaloob sa R.A. 8553 o ang New Anti-Rape Law na may inilaang piyansang P120,000.

Alas-10:10 naman ng gabi nang masukol ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang 26-anyos na delivery rider sa Barangay 178 Camarin sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan RTC Branch 129 para sa kasong Rape by Sexual Assault na may piyansa ring P120,000 para sa pansamantalang paglaya.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kabilang lang ang dalawang nadakip na may kasong panghahalay sa walong Most Wanted Person na naaresto sa ikinasa nilang “Warrant Day” operation sa loob ng dalawang araw mula Martes ng hapon hanggang Miyerkules ng gabi.