Calendar
2nd National Housing Expo dinagsa ng mga naghahanap ng bahay
LIBO-libong naghahanap ng sariling bahay ang dumalo sa 2nd National Housing Expo 2026 sa SMX Convention Center sa Pasay City, isang patunay na patuloy na pinapangarap ng maraming Pilipino ang pagkakaroon ng disente at abot-kayang bahay.
Pinangunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund, ang Housing Expo ay pinakamalaking pagtitipon ng mga kumpanya at developer sa real estate sector.
Isa sa mga naging tampok sa pagbubukas ng Expo ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sinamahan ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling sa pag-iikot sa ilan sa mga booth ng mga kalahok na developer.
Ayon sa Pag-IBIG Fund, mahigit 45,700 homeseekers ang unang rehistro para sa dalawang araw na expo na nagtapos alas-6:00 ng gabi noong Martes.
Mahigit 80 pribadong kumpanya sa real estate ang nag-alok ng tinatayang 50,000 ready-for-occupancy housing units.
Maaaring pagpilian ng mga potensyal na mamimili ang mga ito sa ilalim ng pangunahing programa ng administrasyon na Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Nag-alok din ang mga kalahok na developer ng mga espesyal na presyo, promosyon at eksklusibong insentibo para sa mga bibili ng bahay sa Expo.
Inihain ng Pag-IBIG Fund ang mga sumusunod na promotional interest rates: 3% para sa socialized housing; 4.5% para sa mga yunit na nagkakahalaga ng P4.9 milyon pababa; at 5.75% para sa mga yunit na mahigit P4.9 milyon hanggang P10 milyon.
Naging available rin sa expo ang mga Pag-IBIG Acquired Assets, kung saan maaaring makakuha ng hanggang 30% diskwento sa winning bid price ng mga na-remata o foreclosed na ari-arian.
“Sa ngalan ng buong DHSUD, ako po’y lubos na nagpapasalamat sa lahat ng homeseekers na pumunta,” ani Secretary Aliling.
Sinabi ni Aliling na kanyang inatasan ang mga tanggapan ng DHSUD na subaybayan at mapabilis ang pagproseso ng mga aplikasyon na natanggap sa dalawang araw na expo.

