Caloocan Source: File PNP photo

Magkasintahan hinoldap ng 4 na suspek sa Caloocan, sugatan

Edd Reyes Oct 21, 2026
79 Views

SUGATAN ang magkasintahan nang holdapin ng apat na armadong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo habang naglalakad ng pauwi noong Lunes ng madaling araw sa Caloocan City.

Miyerkules ng umaga ng Oktubre 21 nang magsumbong ang mga biktima sa pulisya matapos magpasiyang umuwi muna dahil sa sinapit na trauma at magpagaling na rin ng tinamong mga sugat.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ng pauwi ang 22-anyos na college student at 20-anyos niyang working student na kasintahan dakong alas-2:20 ng madaling araw sa San Diego St. Brgy. 88 nang sumulpot ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo.

Armado ng baril at patalim, puwersahang inagaw ng mga suspek ang bag na dala ng lalaki na kinalalagyan ng mamahaling gadget, cash, at personal na gamit na aabot sa halagang P100,000 bago tumakas patungong 11th Avenue.

Nagtamo naman ng sugat sa braso, tuhod, at kamay ang magkasintahan matapos hindi kaagad ibigay ang bag na dahilan upang gamitan sila ng dahas ng mga suspek.

Pinag-aaralan na ng pulisya ang kuha ng CCTV ng barangay na nakahagip sa pangyayari para matukoy ang pagkakakilanlan at agad madakip ang mga suspek.