Calendar
Super Magical Christmas 2026 ng SM Malls sa Cababatuan mas bongga, makulay




CABANATUAN CITY – Mas magiging bongga, makulay at mahiwaga ang selebrasyon ng Pasko 2026 sa Nueva Ecija sa pagbubukas ng bagong Christmas displays ng SM City Cabanatuan at SM Megacenter Cabanatuan dito.
Temang “Symphony of Sparkles” at “Elf-Tastic World of Sparkles” ang hiwalay na ibinandera ng dalawang SM Malls upang maanyayahan ang bawat pamilyang Novo Ecijano, magkakaibigan o bisita man upang damhin ang kakaibang mahika ng Pasko dulot ng holiday masterpieces na ito ng SM.
Sa Christmas launch sa SM City Cabanatuan, tinanggap bilang panauhing pandangal ni SM regional operations head Pearl Salangsang sina city councilor Epifanio Posada, kinatawan ni City Mayor Myca Elizabeth Vergara, Cabanatuan City deputy fire marshal SFO3 Benjie Bauto Jr., at CDRRMO Karl Javier at Willie Payumo.
Sa panayam Huwebes ng gabi kay Ms. Lerina G. Medina, SM Asst. Vice President for marketing, sinabi nito na: “Christmas is super special to us Filipinos, and SM Supermalls always make sure that we will always be here to celebrate this Christmas tradition for all of us, for our families. And each SM Mall has its own different theme to showcase for the holidays.”
Sa SM City Cabanatuan, itinampok ang eleganteng “Symphony of Sparkles,” mula sa marikit na sining ng ballet.
Nakasentro dito ang 35-talampakang-taas na Christmas Tree, na maninging ang gintong dekorasyon at may kasamang pigura ng sumasayaw na estatwang ballerina para sa pambihirang tanawin ng Kapaskuhan.
Hatid naman sa SM Megacenter Cabanatuan ang masaya at mapaglarong mundo ng “An Elf-Tastic World of Sparkles” sa launch nito ngayong Biyernes.
Dumating bilang special guests si Cabanatuan City councilor Jojo Matias, bilang kinatawan ni City Mayor Vergara at si SFO3 Bauto ng Cabanatuan City-Bureau of Fire and Protection.
Tampok dito ang mga masasayang Christmas elf, malalaking palamuting pamasko, kumikislap na mga ilaw, at makukulay na dekorasyong nagbibigay-buhay sa pananabik sa pagdating ng Pasko.
Dinisenyo ang makulay na display upang maghatid ng tuwa at pagkamangha sa mga bisita sa lahat ng edad. Bawat sulok ay nag-aalok ng pagkakataong makakita ng mga kaakit-akit na dekorasyon, kumuha ng mga litrato, at damhin ang kasiyahan ng paghahanda para sa pinakaaabangang panahon ng taon.
Nagkaroon din ng ceremonial champagne-glass toasting bilang pagbati at pampabwenas sa darating na Yuletide season 2026.
Ayon kay Sheen B. Eugenio, SM City/Megacenter PR manager: “Bagama’t magkaiba ang tema ng dalawang Christmas displays, iisa ang mensaheng kanilang ipinahahatid: ang Pasko ay higit na nagiging makabuluhan kapag ipinagdiriwang kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.”
“Mula sa elegante at masining na pagtatanghal ng mga ballerina sa SM City Cabanatuan hanggang sa masigla at kaakit-akit na mundo ng mga elf sa SM Megacenter Cabanatuan, kapwa ipinapakita ng mga ito ang kagandahan ng Paskong Pilipino—punô ng pag-ibig, pag-asa, pagkakaisa, at masasayang pagsasama.”
Paanyaya ni Eugenio: “Ngayong Kapaskuhan, bumisita sa SM City Cabanatuan at SM Megacenter Cabanatuan, kung saan bawat kislap ay may kuwentong hatid, bawat pagbisita ay pagkakataong mas mapalapit sa isa’t isa, at bawat sandali ay maaaring maging isang di-malilimutang alaala ng Pasko.”

