Calendar
Kiko: State of calamity, state of imminent disaster ideklara na dahil sa El Niño
HINIMOK ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Sabado ang pamahalaan na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster kung saan may sapat na batayan, at agad ilabas ang pondo para sa kalamidad dahil sa malawak na pinsala ng super El Niño sa limang rehiyon.
“Ramdam na ng mga magsasaka sa limang rehiyon ang epekto ng super El Niño. Umabot na ng ₱7 billion ang dagok sa Cagayan Valley, Bicol, CALABARZON, SOCCSKSARGEN, at CARAGA.
Kailangang umaksyon na agad,” ani Pangilinan.
Hiniling niya sa Department of Budget and Management (DBM) at mga kaukulang ahensya na magsumite sa loob ng 48 oras ng pinagsama-samang ulat. Dapat nakasaad dito kung magkano ang pondong magagamit, magkano ang nakalaan na, anong mga pag-apruba ang kailangan, kailan ito ilalabas, at kung may kakulangang nangangailangan ng aksyon ng Pangulo o ng Kongreso.
Binanggit ng senador na sa budget hearing ng DBM, nagpahayag ng suporta si Budget Secretary Kim Robert de Leon sa whole-of-government response. Ayon pa sa senador, tinukoy ng kalihim ang humigit-kumulang ₱112 bilyon sa mga budget ng ahensya ngayong taon, kabilang ang ₱39 bilyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
“Kaya hindi sapat ang sabihing ‘may pondo.’ Kailangang linawin: Magkano ang puwedeng gamitin ngayon, nasaan ito, sino ang maglalabas, at kailan ito makararating sa nangangailangan?” iginiit ni Pangilinan.
Ipinunto rin niya na ang tinatayang ₱104 bilyon sa 2027 National Expenditure Program ay panukalang alokasyon pa lamang at hindi pa maaaring gastusin ngayon.
Nanawagan si Pangilinan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Agriculture (DA), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at mga lokal na pamahalaan. Hiniling niyang pagsama-samahin ng mga ito ang pinakahuling forecast, damage assessment, kalagayan ng suplay ng tubig at panganib sa produksyon ng pagkain, at isumite ang kanilang rekomendasyon sa Pangulo.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng Section 16 ng Republic Act 10121, o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, maaaring magdeklara ang Pangulo ng state of calamity sa rekomendasyon ng NDRRMC. Pinahihintulutan naman ng RA 12287, o Declaration of State of Imminent Disaster Act, ang Pangulo na magdeklara ng state of imminent disaster, kabilang ang sa tagtuyot, batay sa pre-disaster risk assessment.
“Dapat bawat deklarasyon, may kasamang malinaw na oplan: aling mga komunidad ang makakatanggap ng tulong, ano ang ibibigay, aling ahensya ang responsable, gaano karaming pondo ang magagamit, at kailan darating ang tulong,” dagdag niya.
Ayon sa senador, sa ilalim ng Price Act o RA 7581, awtomatikong nagkakaroon ng price freeze sa mga pangunahing bilihin kapag may state of calamity. Tatagal ito nang hanggang 60 araw, o hanggang 15 araw para sa imported o deregulated na produkto gaya ng LPG at kerosene.
Hiniling niya sa Department of Trade and Industry (DTI), DA, Department of Health (DOH) at Price Coordinating Council na ilathala ang mga saklaw na produkto, presyo, lugar at petsa ng bisa, at magsagawa ng araw-araw na monitoring sa mga pamilihan.
Nanawagan din siya na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga utak, may-ari at organizer ng hoarding, profiteering at kartel, at hindi lang ang mga nagtitinda sa harapan.
“Huwag gamitin ang kalamidad para pagsamantalahan ang gutom at pangamba ng taumbayan,” wika ni Pangilinan.
Ayon sa kanya, may parusang lima hanggang 15 taong pagkakakulong at multang ₱5,000 hanggang ₱2 milyon ang ilegal na pagmamanipula ng presyo. Ang paglabag naman sa price freeze o price ceiling ay may parusang isa hanggang 10 taong pagkakakulong, multang ₱5,000 hanggang ₱1 milyon, o pareho.
Mananagot din bilang pangunahing may sala ang opisyal o kawaning makikipagsabwatan o sadyang magtatago ng paglabag, at may dagdag na parusang permanenteng diskwalipikasyon sa serbisyo publiko, ani Pangilinan.
Pinakikilos din niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), DA, DOH, Department of the Interior and Local Government (DILG), Office of Civil Defense (OCD) at mga lokal na pamahalaan na maghanda ng readiness plan kada probinsya at munisipyo. Saklaw nito ang pagkain, malinis na inuming tubig, gamot at hygiene supplies.
Dapat unahin, aniya, ang maliliit na magsasaka at mangingisda, mahihirap na pamilya, mga bata, buntis at nagpapasusong ina, matatanda, may kapansanan at mga liblib na komunidad.
Hiniling din niya sa DA, National Irrigation Administration (NIA), mga ahensya ng tubig at mga lokal na pamahalaan na bumuo ng contingency plan kada lugar. Kabilang dito ang pagkumpuni sa mga pasilidad ng irigasyon, communal water system at bomba, at ang paglalathala ng iskedyul ng patubig at abiso sa suplay ng tubig.
Hinikayat din niya ang mga government financial institution na agad ilathala ang proseso ng no-interest loans na itinatakda ng Section 17(d) ng RA 10121. Para ito sa pinakaapektadong sektor, sa pamamagitan ng kanilang kooperatiba o people’s organization, kapag naideklara ang state of calamity.
Iminungkahi rin niya na atasan ng Pangulo ang NDRRMC, sa pamamagitan ng OCD, na magkaroon ng iisang El Niño action plan na may itinalagang mamumuno, masusukat na target, regular na ulat sa publiko at public dashboard.
Sinabi ni Pangilinan na hihingin niya ang updated na ulat sa pondo at implementasyon bago ang plenary deliberations. Magsasagawa rin siya ng oversight upang matiyak na mauuwi sa aktuwal na tulong ang mga pangakong binitiwan sa budget hearing.

