Calendar
Lacson: Mas ligtas si Bato sa Pilipinas kesa ibang bansa dahil sa ICC warrant
DAHIL internasyonal ang arrest warrant laban sa kanya, mas ligtas pa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung mananatili sa Pilipinas kaysa pumunta sa ibang bansa, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Lunes.
Inilabas ang warrant ng International Criminal Court (ICC), ang pandaigdigang korte na nakabase sa The Hague. May kaugnayan ito sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
“Ang sitwasyon ni Sen. Bato mahirap kasi warrant niya international. Saan siya pupunta? Pag pumunta siya sa ibang bansa, mas exposed siya, mas madali siya mahuhuli doon,” ani Lacson sa isang panayam sa radyo.
Kung sa Pilipinas daw inilabas ang warrant, maaari sanang humanap ng kanlungan si dela Rosa sa bansang walang extradition treaty sa Pilipinas. Ang extradition treaty ay kasunduan ng dalawang bansa na magpasahan ng mga taong pinaghahanap ng batas.
“Pero kung ang warrant mo sa ICC, wala kang susuotan. Mas safe ka pa sa Pilipinas,” dagdag ni Lacson.
Iginiit din niya na dapat bigyan ng due process, o patas na proseso sa ilalim ng batas, si dela Rosa.
Ayon kay Lacson, may ilang grupong naghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng extrajudicial killings (EJK), o pagpatay nang walang paglilitis, na nananawagang huwag nang bigyan ng due process ang senador.
“Huwag natin masamain ang due process dahil walang due process ang na-EJK, gusto natin wala na ring due process si Sen. Bato. Parang mali naman ang ganung pananaw,” wika niya.
Noong Linggo, sinabi ni Lacson na umaasa at nananalangin siyang mabigyan ng due process si dela Rosa. Kung matuloy man ang pag-aresto, sana raw ay maging mapayapa ito at walang trahedya.

