Valenzuela

Mambabatas nagpasalamat sa mga taga-Valenzuela

Mar Rodriguez Oct 28, 2026
24 Views

NAGPASALAMAT si United Senior Citizens Partylist Rep. Mila Aquino Magsaysay sa pagtanggap sa kanya sa Valenzuela City para makipag-ugnayan sa mga nakatatanda at naghatid ng mga programang naglalayong mapabuti ang kanilang kapakanan.

Karangalan ang makasama ang mga senior citizen sa lungsod at makapaghatid ng mga programa at serbisyong nakatuon sa kanilang mga pangangailangan, ayon sa mambabatas.

Nagpasalamat din ang kongresista kay Miko Magsaysay sa pakikiisa at malasakit sa mga nakatatanda at kay Valenzuela City Congressman Kenneth Gatchalian sa suporta at pakikipagtulungan para sa kapakanan ng mga residente ng lungsod.

Binigyang-diin ni Magsaysay ang kahalagahan ng patuloy na pagsusulong ng mga programa at panukalang batas na nakatuon sa kalusugan, kabuhayan, seguridad at maayos na pamumuhay ng mga senior citizen.

Patuloy niyang isinusulong ang mga hakbang na naglalayong pangalagaan ang karapatan at dignidad ng mga nakatatanda, gayundin ang pagpapalawak ng mga serbisyong makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Kabilang sa mga isyung binibigyang-pansin ng United Senior Citizens Party-list ang pagsusulong ng Universal Social Pension upang makatulong sa pinansyal na pangangailangan ng mga nakatatanda.

Ayon kay Magsaysay, mahalagang magkaisa ang pamahalaan, mga mambabatas at mga lokal na komunidad upang matiyak na ang mga senior citizen ay patuloy na makatatanggap ng angkop na suporta at serbisyong nararapat para sa kanila.

Binigyang-diin din nito na ang pangangalaga sa mga nakatatanda ay hindi lamang tungkulin ng kanilang mga pamilya kundi isang pananagutang dapat pagtulungan ng buong lipunan.

“Sama-sama nating ipaglaban ang karapatan, dignidad, at kapakanan ng bawat Ka-Senior,” ayon sa kongresista.