QC

QC pinarangalan mga nag-ambag sa pagpapatatag ng komunidad

Jun I Legaspi Oct 28, 2026
25 Views

PINARANGALAN ng Quezon City ang 15 indibidwal at organisasyon na nag-ambag sa pagpapatatag ng mga komunidad sa 24th Manuel Luis Quezon Gawad Parangal noong Oktubre 26 sa Theater ng QC MICE Center.

Sa temang “Pagkilala sa Kahusayan, Pagbibigay-Inspirasyon sa Kinabukasan,” kinilala ang mga natatanging ambag sa larangan ng edukasyon, pagpapaunlad ng komunidad, serbisyong pampubliko, negosyo, kultura, isports, at iba pang sektor.

Kabilang sa pinarangalan ang Miriam College; Mabuting Pastol Multi-Purpose Cooperative; Philippine Institute of Civil Engineers, Inc., Quezon City Chapter (PICE QC Chapter); Philippine Association of Intercultural Development (PAFID); Likhaan Center for Women’s Health Inc.; UP Kontemporaryong Gamelan Pilipino (Kontra-GaPi); at Fairplay for All Foundation.

Kinilala rin sina Dr. Zeus A. Salazar, historyador at antropologo; Dr. Prospero R. Covar, antropologo at sosyologo; Steve Sy, Founder at CEO ng Great Deals E-Commerce Corporation; Dr. Ernesto S. de Castro, Pangulo at Tagapagtatag ng ESCA, Inc.; Atty. Marilyn B. Barua-Yap, DPA, Tagapangulo ng Civil Service Commission; Cong. Percival “Percy” V. Cendaña, tagapagtaguyod ng karapatang pantao at mambabatas; Ricardo “Ricky” A. Lee, Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining ng Brodkast; at Samantha Kyle L. Catantan, Olympian at foil fencer.

Kinilala rin ng lungsod ang 64 na kawani na mahigit apat na dekada nang naglilingkod sa lokal na pamahalaan bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at matagal na paglilingkod sa publiko.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ipinakikita ng mga pinarangalan kung paano nagdudulot ng pagbabago ang kahusayan, malasakit, at matibay na paninindigang maglingkod sa kapwa.

Ang kanilang mga gawain ay nagbibigay-pansin sa pangangailangan ng mga sektor na higit na nangangailangan at nagsisilbing inspirasyon upang mas marami pa ang makibahagi sa pagbuo ng isang mapagmalasakit at inklusibong lungsod, ayon sa alkalde.

“Quezon City is what it is today because of individuals and organizations who, in their own ways, live out the values that make our city what it is,” ani Belmonte.

Binati ni Belmonte ang mga pinarangalan at nanawagan ng patuloy na pakikilahok ng mga mamamayan, na binigyang-diin na ang patuloy na pag-unlad ng lungsod ay bunga ng sama-samang pagkilos at pakikiisa ng mga QCitizen.