CIDG

Empleyada nagbebenta ng P3.5M illegal na, mantika bagsak sa selda

31 Views

LIPA CITY, Batangas — Bagsak sa kulungan ang isang empleyada habang nasamsam ang ₱3.5 milyong halaga ng walang rehistro at walang etiketa na mantika sa isang malaking raid sa Barangay Lodlod 1, Lipa City, Martes ng hapon.

Arestado ang suspek na kinilalang si alias Cel matapos mahuling nagbebenta at nagpapakalat ng mga iregular na mantika na hindi dumaan sa pagsusuri ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa pinagsamang puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas, Provincial Intelligence Unit, PMFC, Lipa City Police, kasama ang FDA at City Health Office, sinalakay ang bodega bandang alas-2:00 ng hapon matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa patagong negosyo.

Laking gulat ng mga awtoridad nang madiskubre ang naglalakihang tangke, lalagyan, at daan-daang bote ng mantikang walang kaukulang label o rehistro.

Ayon sa CIDG, lubhang delikado sa kalusugan ang paggamit ng ganitong uri ng mantika dahil maaari itong maglaman ng mga nakalalasong kemikal, heavy metals, o maging recycled na basurang industriyal na puwedeng magdulot ng malubhang sakit sa sinumang makakain nito.

Binigyang-diin ng pamunuan ng CIDG, sa pangunguna nina PCOL Ganaban C. Ali at PLtCol. Bryan Dexter C. Andulan na hindi sila titigil sa pagtugis sa mga illegal trader na naglalagay sa panganib sa buhay ng publiko.

Muling nagbabala ang pulisya sa mga mamimili: “Suriing mabuti ang etiketa at FDA registration number bago bumili ng mantika at pagkain!”