BBM

Mga santo, yumao bilang inspirasyon

28 Views

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na gawing inspirasyon ang buhay at sakripisyo ng mga yumaong mahal sa buhay at mga santo sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Sa kaniyang mensahe nitong Sabado, Nobyembre 1, sinabi ng Pangulo na panahon ang mga araw na ito upang mag-alay ng panalangin, alalahanin ang mga alaala ng mga yumao at muling magtipon ang mga pamilya sa mga sementeryo at memorial park.

Binigyang-diin din niya na nananatiling buhay ang ugnayan ng mga pamilya sa kabila ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay. Aniya, dapat magsilbing inspirasyon ang mga santo at iba pang indibidwal na nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa kapwa.

Hinimok ni Marcos ang publiko na isalin sa pang-araw-araw na buhay ang diwa ng pag-alala sa pamamagitan ng kabutihan, malasakit at paglilingkod sa iba. Kabilang dito ang pakikinig sa mga nangangailangan at pagtulong sa mga taong may pinagdaraanan.

Ayon pa sa Pangulo, dapat maging bahagi ng pagsusulong ng Bagong Pilipinas ang ganitong uri ng malasakit sa kapwa. Nawa’y maghatid din aniya ng kapayapaan ang mga banal na araw na ito sa mga nagluluksa at magpaalala sa lahat na pahalagahan ang mga taong nananatili sa kanilang buhay.