Motor

Motorsiklo sumalpok sa paso, estudyante dedo, angkas sugatan

35 Views

Motor1

BINANGONAN, RIZAL — Dedo ang 18-anyos na estudyante habang sugatan naman ang angkas nito matapos sumalpok ang kanilang motorsiklo sa konkretong paso ng halaman sa Manila East Road, Brgy. Mambog, Huwebes ng gabi.

Kinilala ng Binangonan Municipal Police Station (MPS) ang nasawing drayber na si alyas Roy, residente ng Upper Kasinay, Brgy. Darangan.

Idineklarang dead on arrival ang nasabing estudyante sa Margarito Duavit Memorial Hospital dahil sa mga pinsala sa katawan.

Ligtas ngunit nagtamo rin ng mga sugat ang angkas na si alyas Jia, 18, residente ng Sunny Vale 3, Brgy. Palangoy. Kasalukuyan itong ginagamot sa ospital.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang 11:10 ng gabi ay binabagtas ng mga biktima ang lansangan patungong Cardona sakay ng Yamaha Nouvo (Plate No. GA55704), nang nawalan ng kontrol sa manibela si alyas Roy.

Sumalpok ang motorsiklo sa malaking concrete planter sa gilid ng kalsada at tumapon ang dalawang biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.